By: Rosas
“Inay, anu po ba ang kahulugan ng pagiging malaya at paano nito mababago ang buhay ko? Tanong ng batang si Pepe habang nakatanaw sa mg kastilang kawal habang nagmamartsa sa bulwagan.
“Mahal kong anak, ang pagiging malaya ay maihahalintulad sa pagsuong sa madilim at masukal na kakahuyan. Walang pumipigil sayong lumakad, sumiyasat o umalam sa kung anong meron sa loob ng gubat. Nagagawa mo ang iyong nais. Kagaya rin ito ng mga ibon sa himpapawid na malayang lumilipad saan man nila naisin.”
“Ngunit hindi ka pa rin sigurado sa mga posibleng mangyari sa loob ng gubat”. Dagdag n’ya pa. “Mapanghamon ang gubat at mapanubok naman ang mga makikilala mong nilalang. Malaya mang galugurin ang kasukalan ngunit may ibang nilalang ang palaging nakaantabay sa mga pader ng iyong kalayaan”.
“Bakit po siya naroon?”
“Dahil hindi lamang ikaw ang malaya Pepe. Pagmasdan mo ang paligid. Ang mga puno, hayop at lahat ng may buhay ay may taglay ding kalayaan. lyong isa-isip na walang anyo ang kalayaan. Dahil bawat isa ay mayroon nito. Hindi upang magkaroon ng panganib o gulo, tandaan mo, kailangan ng kalayaan nila ang pangangalaga at respeto nila mula sayo. Tandaan mo lagi na huwag magpapagapi sa may masasamang hangarin sa iyong paligid. Wag mong kalilimutan ang mga pabaon kong aral sayo.”
“Ang Kabataan ang Pag-asa ng bayan”… “Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda”…
FUEGO!!
Isa nanamang buhay ang nabuwis alang-alang sa bayan.
___
“eoneu nal sesang-i meomchwoss-eo, amuleon yegodo hana eobs-i”…
Tunog ng banyagang tugtuging ito at hagikhikan ng mga binatilyong naka unipormeng puti habang may tangan na sigarilyo sa mga labi ang pumutol sa aking panaginip. Marahil dito rin sila malimit tumambay pagkatapos ng klasi.
“Uy pre! Paano ba pumasa sa History?”” Tanong nung isa.
“Bakit anung sagot mo sa quiz?”
“MAJOHA!” At sabay-sabay silang naghagilhikan.
Napatingala ako sa kalangitan. Payapa ang bughaw na langit. Binunot ko ang aking lumang panulat at kwaderno at nag-umpisang kumatha ng talata.
“Ika-labindalawa ng Hunyo, taong kasalukuyan. Para akong dayuhan sa aking sariling bayan. Sa mabilis na paglipas ng panahon, maraming bagay ang nabago. Napalitan ng mga lenggwaheng hindi ko maunawaan. Talamak ang droga’t patayan sa lahat ng dako. Sasabayan pa ng mga politikong kapag nabisto sa pangungurakot sa kaban ng bayan ay biglang magkakasakit. Mga illegal recruiters na nasisikmurang lokohin ang sariling kababayan–” Natigil ako sa pagsusulat at tumingin sa kaluluwang nasa aking harapan at tila namamangha.
“Uy! Ikaw si Rizal diba? Tara selfie tayo!”
Napailig nalang ako at malungkot na tumingin sa bantayog sa aking harapan. Bantayog na sagisag ng kagitingan at pagmamahal sa bayan at kalayaan.
“Ito ba ang kalayaang matagal naming ipinaglaban?”